Rinig ang mga makina’t puso
Iisang misyon ang tinatakbo.
Noon, yapak ng mga misyonero, Bible corporteur, at Bible women ang nagdala ng Biblia sa kamay ng mga Pilipino.
Pero noong 2015, nagsimulang maging hudyat sa mga estudyante ang tunog ng mga motorsiklo upang sumilip mula sa kanilang mga silid at tumunghay sa paparating na motorcycle riders. Bitbit ng mga ito ang puso at misyon ng kanilang grupo—ang mamahagi ng libreng kopya ng Biblia sa mga mag-aaral, lalo na sa mga probinsya at liblib na lugar.
Nabuo ang Word Riders Philippines (WRP) noong 2014. Nagsimula ito sa labing-apat mula sa limampu’t dalawang indibidwal na nakapagtapos ng isang Executive Motorcycle Riding Course ng Philippine National Police Highway Patrol Group.
Naisip nilang gamitin ang kanilang mga big bike para sa mas makabuluhang layunin at nakipag-ugnayan sila sa Philippine Bible Society.
Dala ay Biblia at pangako
Eskwelahan palagi ang tungo.
Noong 2016, itinakda ng grupo ang layunin na makapamahagi ng 3,000 kopya ng Biblia kada taon.
Mula sa taong iyon, sa tulong at suporta ng mga katuwang sa misyon, nahihigitan ng Word Riders ang kanilang itinakdang bilang ng Bibliang ipapamahagi.
Pero tulad ng anumang misyon, dumaan din sila sa pagsubok.
Hindi mapipigilan ng bagyo
Init man ay di rin hadlang dito.
May mga Bible rides na itinuloy sa kabila ng masamang panahon. Buong-ingat na sinuong ng Word Riders ang malalaking patak ng ulan, malakas na hampas ng hangin, maging ang matinding init sa kalsada, makarating lang sa destinasyong paaralan at mga estudyanteng nag-aabang.
Dumating din ang pagsubok na dala ng pandemya na naging dahilan ng pansamantalang pagtigil ng kanilang misyon mula 2021 hanggang 2022.
Ngunit hindi nawalan ng pag-asa at gasolina ang kanilang mga puso.
Gasolina ng minamaneho,
Hangaring Biblia’y makarating…
Sa mag-aaral na Pilipino.
Ang hangarin na dalhin ang Salita ng Diyos sa mga kabataang Pilipino ang nagsisilbing “gasolina” ng bawat biyahe ng Word Riders. Marami na ring estudyanteng nasa grade 7 at 8 mula sa National High Schools sa malalayong lugar ang nabigyan nila ng Biblia.
Sa loob ng sampung taon, mahigit 60,000 kopya na ng Biblia at Scripture materials ang naipamahagi nila sa mahigit dalawampung probinsya.
Isang dekada.
Nito lamang Hunyo 14, ipinagdiwang ng WRP ang kanilang ikasampung anibersaryo, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay. Hindi sa pagpihit ng silinyador o pagpainit ng makina nagsimula ang pagdiriwang ng Word Riders, kundi sa panalangin, papuri, at pasasalamat sa Diyos.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Bishop Reuben Abante, Senior Pastor ng Lighthouse Bible Baptist Churches at panauhing pandangal sa pagdiriwang, ang nangingibabaw na katangian ng mga miyembro ng WRP:
“I’d like to think na hindi niyo lang dinagdagan ng Salita ng Diyos ang mga ride niyo. I’d like to think may Salita muna kayo ng Diyos bago kayo nag-ride.”
At isang paalala mula sa Isaias 58:13-14: RIDE HIGH!
Ipinapaalala ng talatang ito na ang pribilehiyo at biyayang makapag-“ride on high places of the earth” ay bunga ng katapatan at pagsunod sa Diyos.
Ride on, Ride High!
Nagbigay rin ng pagbati at pagbabalik-tanaw ang WRP President at PBS Trustee, si G. John Jeremy Escobar:
“As we celebrate today, we don’t just look back to where we have brought our big bikes, the number of times we refueled our tanks, or the stopovers we spent while on our travels. We look back at the students’ faces and hands, excited and delighted to receive their own copy of the Bible, oftentimes their very first one.”
[“Sa pagdiriwang natin ngayon, hindi lang natin inaalala kung saan na nakarating ang ating mga motor, kung ilang beses tayong nagpagasolina ng ating mga big bike, o naka-ilang stopover tayo sa biyahe. Binabalik-tanaw natin ang mga mukha at kamay ng mga estudyanteng tuwang-tuwa at nananabik na makatanggap ng sarili nilang kopya ng Biblia, na kadalasan nga ay una nilang kopya.”]
“
Bahagi ng programa ang paggawad ng parangal kay Gng. Perry Cartera, General Secretary ng PBS, sa walang patid nitong suporta sa Word Riders. Sa loob ng sampung taon, katuwang ng grupo ang PBS sa misyon nitong mag-abot ng Biblia sa mga estudyante upang mabasa at magbigay pag-asa sa kanilang mga buhay.
Mayroon ding mga special award na ibinigay para sa mga natatanging rider, at mga pagbati mula kina Chief Justice Reynato S. Puno (ret.), Chairman at Presidente ng PBS Board of Trustees, at Dr. Francois Sieberhagen, isa sa founding members ng Word Riders of South Africa na syang nagbigay inspirasyon sa pagsisimula ng WRP. Ipinalabas din ang isang testimony video, at isang video ng pagbabaliktanaw sa sampung taon ng grupo. Maaari itong mapanood https://youtu.be/pdK3xFqE9sA
Ibinahagi rin ni G. Escobar ang pagtatalaga kay Atty. Doan T. Balboa bilang Regional Director ng Word Riders Mindanao. Nais rin ng grupo na palawakin ang kanilang misyon sa Kabisayaan, para maabot ang buong bansa—mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao.
Ngayong Agosto inaasahang ganapin ang kanilang susunod na Bible Ride. Saang paaralan kaya sunod na maririnig ang tunog ng kanilang mga motor?
Leave a Reply